bakas ng EDSA ay buhay pa rin sa isipan ng mga Filipino.
Ika-22 anibersaryo na nang makasaysayang rebolusyon ng Filipino. Sa panahong ito ang buong sambayanan ay nagkaisa at ipinaglaban ang ating demokrasya. Dumaan ang mga taon, ano na nga ba ang sitwasyon ng mga ipinaglaban natin sa EDSA 1996?
Nanganak na ang EDSA at ginamit na ito ng ilang beses sa pagbabago ng ating gobyerno. Isa na rito si dating pangulong Erap Estrada na napatalsik bunga ng kontrobersiya ukol sa "Jose Pidal Case".
Sa kasalukuyan, nagbabadya na naman ang pangatlong rebolusyon laban sa administrasyong Arroyo. At gaya ng dati, "corruption" pa rin ang dahilan. Sa pagkakataong ito, mas tumitindi ang mga lumalabas na ibidensya laban sa administrasyon at ang mga pangunahing naglalahad nito ay ang mga taong nakonsensya sa mga katiwaliang kinasasangkutan nila. Nanguna na dito ang anak ni speaker Jose de Venecia na si Joey at mas tumindi ay ang paglitaw ng pangunahing saksi na si Jun Lozada. Nakakatuwa lang isipin, ang mga tumitistigo ngayon laban sa pamahalaan ay matatapang na nagsisiwalat ng katotohanan. Pero ang tanong ng sambayanan, "Magkano ang presyo" ng kanilang katapangan.
Kaya't ang sambayanan sa ngayon ay hati at hindi mawari kung sila ba ay sasang-ayon sa pagpapatalsik sa kasalukuyang administrasyon. Batid ko na alam din ng karamihan na isa na naman itong nagbabadya ng sapilitang pagbabago ng ating pamahalaan. Ang Filipino ay nagiging kritikal na sa kanilang mga desisyon at nag-iisip ng tamang solusyon sa nais nilang pagbabago. Ang sambayanan sa ngayon ay hindi na nagbubulagbulagan at nagbibingi-bingihan sa kasalukuyang mga usaping politikal bagkus ang bawat mamamayan sa ngayon ay nagmamatyag lamang at nag-aanalisa sa mga kaganapan sa kasalukuyang kilos politika.
Sa aking pananaw, ang kailangan natin baguhin ay hindi lamang liderato sa gobyerno kundi ang ating "sistemang pampulitika". Sa kasalukuyang pangyayari, naisin man nating palitan ang kasalukuyang liderato ay wala ka namang makitang bagong lider na matagal nang hinahanap ng ating lipunan. Ang ating inasahan noon para sa pambansang pagbabago ay wala ding nabago sa ating sistema bagkus sila man din ay naging biktima nito.
Ang kurapsyon sa ating gobyerno ay matagal nang sakit at nagpapalala sa ating ekonomiya. Kaliwa't kanan ay makikita mo ito sa pribado man o gobyerno. At minsan hindi mo pansin, nagsisimula rin ito sa atin. Walang nagiging "corrupt" kung walang nagbibigay at nagpapasuhol. Mas malala nga lamang ang nasa gobyerno sa kadahilanang pera ng bayan ang winawalgas at pinapasasaan ng iilan.
Pera ang kumikitil sa kanilang isipan at pera din sa ngayon ang nagiging mitsa sa isang pagbagsak ng isang gobyerno. Ang mga tumitistigo ngayon at nagmimistulang mga bayani dahil sa pagsisiwalat ng katotohanan ay marahil iisa lang ang pinag-ugatan ng kanilang pagsasalita o pagbubulgar. Marahil hindi ito nabigyan o hindi parehas ang hatian sa komisyon ng bilyones na proyekto ng gobyerno o di kaya naipit ang mga ito at napilitang lumantad.
Nakakapagod na rin ang mga imbestigasyon ng senado ukol sa kasong ito at isa na namang pag-aaksaya ng araw at pera ng bayan. Pagmasdan nyo at pagkatapos na dalawa o tatlong buwan, mababale wala ito. Ilan lang ba ang naisasabatas na mga panukala bawat sesyon. Nauubos ang oras nila sa mga imbestigasyong na karamihan sa kanila ay nababayaran para tumutol, pumanig o di kaya manahimik na lamang.
Samakatuwid, anu na nga ba ang nabago sa ating lipunan mula EDSA 1 at hangang sa kasalukuyan. Magpalit man tayo uli ng lider ng ating bansa ay paulit-ulit din itong mangyayari. Ang halalan ay hindi sagot sa pagbabago kung kitang kita mo ang bangayan ng bawat kampo, ang pandaraya at pagbibili ng mga boto.
Hanga't ang sistema ng elektoral, sistema ng gobyerno at ang mga "bidding process" ay hindi pa rin pag-aralan ng maigi at masolusyunan patuloy tayong makakakita ng mga kilos protesta sa lansangan. Ang mga bakas ng EDSA ay nasa likuran lang natin..bumubulong sa ating mga isipan...kung anu man ito ay kayo lang ang nakakaalam.
1 comment:
Ma-impormasyon ang sinulat mo .natuto ako sa sinulat mong paksa tungkol sa Rebolusyon sa edsaSakit.info
Post a Comment