GET YOUR .PH DOMAIN HERE

Monday, February 25, 2008

Bakas ng Rebolusyon sa EDSA

Ang mga pagkilos sa lansangan ay isa lamang indikasyon na ang
bakas ng EDSA ay buhay pa rin sa isipan ng mga Filipino.

Ika-22 anibersaryo na nang makasaysayang rebolusyon ng Filipino. Sa panahong ito ang buong sambayanan ay nagkaisa at ipinaglaban ang ating demokrasya. Dumaan ang mga taon, ano na nga ba ang sitwasyon ng mga ipinaglaban natin sa EDSA 1996?


Nanganak na ang EDSA at ginamit na ito ng ilang beses sa pagbabago ng ating gobyerno. Isa na rito si dating pangulong Erap Estrada na napatalsik bunga ng kontrobersiya ukol sa "Jose Pidal Case".

Sa kasalukuyan, nagbabadya na naman ang pangatlong rebolusyon laban sa administrasyong Arroyo. At gaya ng dati, "corruption" pa rin ang dahilan. Sa pagkakataong ito, mas tumitindi ang mga lumalabas na ibidensya laban sa administrasyon at ang mga pangunahing naglalahad nito ay ang mga taong nakonsensya sa mga katiwaliang kinasasangkutan nila. Nanguna na dito ang anak ni speaker Jose de Venecia na si Joey at mas tumindi ay ang paglitaw ng pangunahing saksi na si Jun Lozada. Nakakatuwa lang isipin, ang mga tumitistigo ngayon laban sa pamahalaan ay matatapang na nagsisiwalat ng katotohanan. Pero ang tanong ng sambayanan, "Magkano ang presyo" ng kanilang katapangan.

Kaya't ang sambayanan sa ngayon ay hati at hindi mawari kung sila ba ay sasang-ayon sa pagpapatalsik sa kasalukuyang administrasyon. Batid ko na alam din ng karamihan na isa na naman itong nagbabadya ng sapilitang pagbabago ng ating pamahalaan. Ang Filipino ay nagiging kritikal na sa kanilang mga desisyon at nag-iisip ng tamang solusyon sa nais nilang pagbabago. Ang sambayanan sa ngayon ay hindi na nagbubulagbulagan at nagbibingi-bingihan sa kasalukuyang mga usaping politikal bagkus ang bawat mamamayan sa ngayon ay nagmamatyag lamang at nag-aanalisa sa mga kaganapan sa kasalukuyang kilos politika.

Sa aking pananaw, ang kailangan natin baguhin ay hindi lamang liderato sa gobyerno kundi ang ating "sistemang pampulitika". Sa kasalukuyang pangyayari, naisin man nating palitan ang kasalukuyang liderato ay wala ka namang makitang bagong lider na matagal nang hinahanap ng ating lipunan. Ang ating inasahan noon para sa pambansang pagbabago ay wala ding nabago sa ating sistema bagkus sila man din ay naging biktima nito.

Ang kurapsyon sa ating gobyerno ay matagal nang sakit at nagpapalala sa ating ekonomiya. Kaliwa't kanan ay makikita mo ito sa pribado man o gobyerno. At minsan hindi mo pansin, nagsisimula rin ito sa atin. Walang nagiging "corrupt" kung walang nagbibigay at nagpapasuhol. Mas malala nga lamang ang nasa gobyerno sa kadahilanang pera ng bayan ang winawalgas at pinapasasaan ng iilan.

Pera ang kumikitil sa kanilang isipan at pera din sa ngayon ang nagiging mitsa sa isang pagbagsak ng isang gobyerno. Ang mga tumitistigo ngayon at nagmimistulang mga bayani dahil sa pagsisiwalat ng katotohanan ay marahil iisa lang ang pinag-ugatan ng kanilang pagsasalita o pagbubulgar. Marahil hindi ito nabigyan o hindi parehas ang hatian sa komisyon ng bilyones na proyekto ng gobyerno o di kaya naipit ang mga ito at napilitang lumantad.

Nakakapagod na rin ang mga imbestigasyon ng senado ukol sa kasong ito at isa na namang pag-aaksaya ng araw at pera ng bayan. Pagmasdan nyo at pagkatapos na dalawa o tatlong buwan, mababale wala ito. Ilan lang ba ang naisasabatas na mga panukala bawat sesyon. Nauubos ang oras nila sa mga imbestigasyong na karamihan sa kanila ay nababayaran para tumutol, pumanig o di kaya manahimik na lamang.

Samakatuwid, anu na nga ba ang nabago sa ating lipunan mula EDSA 1 at hangang sa kasalukuyan. Magpalit man tayo uli ng lider ng ating bansa ay paulit-ulit din itong mangyayari. Ang halalan ay hindi sagot sa pagbabago kung kitang kita mo ang bangayan ng bawat kampo, ang pandaraya at pagbibili ng mga boto.

Hanga't ang sistema ng elektoral, sistema ng gobyerno at ang mga "bidding process" ay hindi pa rin pag-aralan ng maigi at masolusyunan patuloy tayong makakakita ng mga kilos protesta sa lansangan. Ang mga bakas ng EDSA ay nasa likuran lang natin..bumubulong sa ating mga isipan...kung anu man ito ay kayo lang ang nakakaalam.

Tuesday, January 23, 2007

Ang Proklamasyon ng Pilipinas


Kung hindi nyo batid mga kapwa ko Filipino, Ang buwan na ito ay isa sa pinaka prominenteng araw sa ating kasaysayan. Alam nyo ba kung bakit?

Ika-23 ng Enero ng taong 1899 nang iproklama ni Presidente Emilio Aguinaldo ang Filipinas bilang isang republika. Naganap ito sa simbahan ng Barasoain sa Bulacan kung saan binati rin ni Aguinaldo and mga miyembro ng Kongreso sa kanilang matagumpay na pagbabalangkas ng Konstitusyon. Buong giting nyang pinangaralan at binati ang mga rebolusyunaryong nakiisa at nagbuwis ng buhay para sa pambansang kasarinlan laban sa Espana.

Ang pagbalangkas ng ating konstitusyon sa "Malolos Congress" ay masasalamin ang katibayan ng loob ng mga Filipino na ipamukha sa mga dayuhan ng ang mga Pinoy ay hindi mga bobo na madaling paikutin at hawakan sa leeg. Sa pamamagitan ng ating konsititusyon ay naipakita natin sa sanlibutan na ang maliit na bansa natin ay kayang tumayo sa sarili at ipaglaban ang ating kasarinlan hanggang kamatayan. Ito ang pwede nating ipagmalaki at taas nuo nating sasabihin na tayo ay malaya at itinatakwil ang sinumang aangkin nito.

Tuesday, November 07, 2006

Balintataw sa Kasaysayan



Nakakalungkot isipin na ako ay isang Filipino. Hindi marahil sa kadahilanang nasa kahirapan ang aking bansang kinagisnan kundi dahil ngayon ko lang napagtanto na ligid sa aking kamalayan ay unti-unti na pala akong binabalot ng kapangyarihan ng mga banyaga sa pag-iisip man o pananalita. Ako ay nababahala.

Bakit kamo? Habang lumilipas ang panahon, nahinog ang aking kaisipan at sa mga gawain na dulot ng komersyalisasyon ng ating lipunan . Sa madaling salita, nabuhay ako na katulad mo na mahilig din sa mga bagong gadgets gaya ng iPod at iBook, pagkain at sosyalan sa Libis at Glorietta, naka Feragamo na sapatos, nagkakape sa Havana at Seattles Best, at higit sa lahat ang paggamit ng text messaging kung saan nababaluktot ang ating pagbaybay o pag-espeling.

Sa pagpasok ko sa kolehiyo, isa sa mga mungkahi ng aking mga guro ay ang maging magaling sa pagsasalita sa wikang Ingles. Para daw ito sa paghahanda sa pandaigdigang merkado. Tama nga naman at sa kadahilanang ito, ako ay naging saksi at naging biktima rin ng kolonyalisasyon sa agham at teknolohiya at komersyalisasyong dulot ng globalisasyon.

Minsan may Koreanong bisita ang kaibigan ko at kinuha ako para tulungan ko siyang ipasyal dito sa Manila. Sa pag-aakala ko, pamamasyal lamang ang nais nya ngunit sa bandang huli ay nalaman ko na pinag-aaralan pala nya ang kasaysayan natin. Ang pamusong Intramuros ang napili nyang puntahan at pilit niya akong tanungin sa mga bagay-bagay na nakikita niya sa loob. Marahil nais nya lang subukan ang kaalaman ko sa lugar na iyon. At para makaiwas sa sobra niyang pagtatanong, itinuro ko na lang sa kanya ang mga tableto na naglalarawan ng isang partikular na lokasyon sa Intramuros.

Nakakahiya man tanggapin, mas marami siyang alam tungkol dito. Karamihan sa mga tanong niya ay siya na rin ang sumasagot. At iyon ang nakakabagot. Nagmistula akong isang kandila na nauupos sa hiya habang patuloy siyang bumabato ng mga katanungan na hindi ko masagot. Naging tapunan ako ng tukso pagkatapos nito. Para sa mga kasamahan ko ay isa itong maliit na bagay pero para sa akin, ito ay isang sampal sa aking pagka Filipino. At dahil sa pangyayaring ito, ako ay natauhan at nag isip ng paraan kung papaano ko maisabuhay at mapag-aralan sa abot ng aking makakaya upang hanapin at halungkatin ang pinagmulan ng bayan ko.

Ang kasaysayan nga naman ng lahing kayumanggi ay bilang na lang ang nakakaalam. Isa na siguro ako dun sa libo-libong Filipino na hindi na alam ang kanilang pinagmulan. Ang kasaysayan ng ating lahi ay matagal nang nag-aantay. Tayo ay hinihikayat na tuklasin at gunitain ang mga sakripisyong pinagdaanan ng ating mga ninuno para ipagtaggol ang ating kasarinlan. Batid ko na sila rin ay nalulungkot kung ang mga kuwento o kasaysayan nila ay hindi natin maipagmalaki sa mga dayuhan o mabangit man lang sa ating mga supling.

Marahil naaalala lang natin sila sa mga pulang numero ng ating mga kalendaryo kung saan ang sambayanan sy dinadakila ang mga araw na ito. Gaya ng Araw ng mga Bayani, Araw ng Kagitingan, Rebolusyon ng EDSA, Araw ni Bonifacio at Rizal. Pero kung tutuusin, ilan lang marahil sa atin ang may alam kung anu ang ipinagkadakila ng mga araw na aking nabanggit. Anu nga ba ang kasaysayan ng mga araw na iyon para ating gunitain? Isa lang ba itong pista-opisyal kung saan masaya tayo at walang pasok sa klase o kaya doble ang bayad sa trabaho?

Ang Blog na ito ay simula pa lamang sa aking adhikaing pagbabalintataw ukol sa lupang aking kinagisnan. Samahan nyo ako at tuklasin ito at baka sa huli malaman natin pare-pareho na hindi pa huli na magpaka-FIlipino.

Saturday, October 28, 2006

Pagpapakilala

Batid ko sa mundo ng Internet na ang ang teknolohiya sa ngayon ay mga plataporma na libre na nagiging sentro upang ang tao ay may kalayaan sa magpahayag ng kanilang nararamdaman at mapakinggan ang tinig nito. Iba na nga ang ikot ng mundo at sa tulong nito ay maibabahagi ko sa inyo ang aking konting kaalaman sa bago kung proyekto.

Ang blog na ito ay isang pananaliksik sa ating kasaysayan. Sa pamamagitan ng kwento't larawan na aking ibabahagi dito ay sana makakatulong sa aking kapwa Filipino upang pag-ibayuhin nila ang pag-aaral sa ating kasaysayan.

Ako ay isang simpleng tao din katulad nyo, naglilibang, nag-aaral, nagtratrabaho at kasalukuyang nagtatanong kung ako pa ba ay isang Filipino.